Nora Calderon
Thursday, July 17, 2008
04:34 PM
"Moving on" ang sagot ni Lorna Tolentino nang kumustahin siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) bago nagsimula ang Holy Mass para sa paggunita sa 40th day ng pagkamatay ng asawa niyang si Rudy Fernandez kagabi, Wednesday, July 16, sa The Heritage Park Chapels, the same place kung saan ibinurol si Rudy. Ang misa ay pinasimunuan nina Rev. Fr. Sonny Ramirez at Rev. Fr. Erik Santos, dalawang pari na close sa family ni Rudy.
Ginawang light ni Fr. Erik ang kanyang homily at may mga pagkakataon na napapatawa si Lorna, na katabi ang mga anak na sina Ralphe at Renz, sa kuwento niya. Tinanong ng pari si Lorna kung nagpakita na raw ba sa kanya si Rudy kahit sa panaginip lang niya. Napangiti si Lorna at sumagot na napanaginipan daw niya minsan na hinahalikan siya ng yumaong mister na akala niya ay totoo nang magising siya.
"Lorna is a picture of grace under pressure which is courage," sabi naman ni Fr. Sonny. "Noong nabubuhay pa si Rudy, nakausap ko siya. Sinabi niya sa akin na si Lorna raw ang dahilan ng lahat kung bakit buhay pa siya. Kung wala raw si Lorna, noong isang taon pa siya namatay. But now, kung nakikita tayo ni Rudy, tiyak na masaya siya dahil nakikita niyang naritong muli, magkakasama ang mga mahal niyang pamilya at mga kaibigan."
Tiyak namang nami-miss ni Senator Jinggoy Estrada ang oras na ‘yon dahil bukas, July 18, pa ang dating niya from the States, ayon sa misis nitong si Precy. May speaking engagement kasi si Jinggoy roon at hindi na siya nakahabol para sa 40th day ng best friend niya. Pero present ang best friends din nilang sina Senator Bong Revilla at Phillip Salvador.
Ilan pa sa mga namataan ng PEP sa misa ay sina Ms. Susan Roces, Manay Ichu Maceda, Ms. Gloria Romero, Ms. Armida Siguion-Reyna, Lani Mercado, Sandy Andolong, Isabel Rivas, Eric Quizon, Paolo Contis, Johnny Delgado, Lolit Solis, Andeng Bautista-Ynares, Bibeth Orteza, atbp.
Naroon din ang executives ng GMA-7 na sina Marivin Arayata, Redgie Acuña-Magno, at Lilybeth Rasonable. Mula naman sa ABS-CBN ay dumating sina Ms. Malou Santos, Millet Santos-Mortiz, directors Olive Lamasan, Rory Quintos, and Trina Dayrit.
Wala ang panganay na anak ni Daboy na si Mark Anthony Fernandez na nagte-taping ng Ako Si Kim Samsoon sa Tagaytay, pero dumating naman ang kanyang misis na si Melissa at ang kanilang anak. Nagkamali raw ng paalam si Mark Anthony na nasabi nito na July 17 ang pa-40th day ng papa niya, kaya nag-schedule ang executive producer ng taping ng July 16 sa halip na July 17 na siyang regular taping day nila.
Nakausap pa ng PEP si Lorna pagkatapos ng Holy Mass. Tinanong namin siya kung ano na ang plano niya ngayong naka-40 days na si Rudy.
"Nagmu-move on na ako," sagot ni Lorna. "Isa nga rito ‘yong gusto kong pumunta sa Holy Land [Jerusalem] kasama ang mga cancer patients. Malalaman ko bukas [July 17] ang details ng trip.
"Gusto ko ring gumawa ng CD na maglalaman ng talks ko about cancer. Sasamahan ko ito ng inspirational messages na ire-request ko sa mga celebrity friends ko na mag-record para sa CD, na alam kong makatutulong sa pinagdadaanan ng mga mga cancer patients."
Tatapusin pa rin niya ang ibang ibinilin sa kanya ni Rudy na gawin niya, pero ang hindi pa raw niya kayang simulan ay ang pag-aayos ng gamit ni Rudy.
Kumusta ang pagbabalik niya sa trabaho? Sa GMA-7 pa rin ba o sa ABS-CBN na?
"Wala pa, hindi pa ako nakapagdedesisyon. Pero baka this coming September, puwede na akong bumalik magtrabaho," nakangiting sagot ni Lorna.