Monday, November 09, 2009

Archie de Calma

Tuesday, October 6, 2009
07:08 PM



Nababahala si Lorna Tolentino sa sunud-sunod na pagsama ng panahon dahil nababalam ang taping ng ABS-CBN primetime series na Dahil May Isang Ikaw. Tinatawag nila itong "hand-to-mouth" o sagarang taping na kailangang gawin para makahabol dahil nauubusan na sila ng pondo.



Kuwento ni Lorna sa PEP (Philippine Entertainment Portal), "Week 5 and 6 na ang naipalalabas, e, week 7 pa lang ang tine-taping namin. Madalas pang napa-pack-up. Wish ko lang na mas maging regular na ang taping. Kapag ganyan kasi, lahat kami mahihirapan. Kaming mga artista, dito na lang talaga nakatutok. Mahirap ang ganitong klaseng teleserye.



"Hindi naman ito ang first time na nakapagtrabaho ako sa ABS-CBN, at talagang mabusisi sila kung magtrabaho. Hindi rin sila yung tipong mabilisan na para lang matapos. May sistema sila para mabilis na matapos, pero kailangang hindi nagsa-suffer ang quality."



Pero wala rin namang magagawa ang management ng ABS-CBN at ang production crew ng Dahil May Isang Ikaw dahil grabe nga ang pinsalang idinulot ng bagyong Ondoy sa Metro Manila at sa mga kalapit na lalawigan.



Sa kabila nito, buo ang suporta ni Lorna sa "grand comeback" niya sa TV via a teleserye.



"Kaya gustong-gusto kong bumalik sa ABS-CBN noon pa dahil ito ang klase ng trabahong nami-miss ko. Ayoko lang talaga ng nagkakaroon ng delays, pero hindi naman maiiwasan dahil nga sa natural calamities, di ba?" sabi ng multi-awarded actress.



LT DEFENDS KRISTINE. Bukod sa sama ng panahon, may balita rin na kaya nade-delay ang taping ng Dahil May Isang Ikaw ay dahil may mga pagkakataon daw na ipina-pack up ang co-star ni Lorna na si Kristine Hermosa sa mga personal na kadahilanan nito.



Ano ang masasabi ni Lorna rito?



"In fairness kay Kristine, mula sa umpisa, very cooperative siya," sagot niya. "I don't have to defend her kung sa tingin ko naman may kapalpakan yung bata. Pero unfair na yung mga lumalabas.



"Ayoko ring basta manahimik. Kasi, karamihan ng mga eksena namin, mahihirap at hindi ko matatanggap na made-delay yun dahil lang sa pag-iinarte o pagiging unprofessional ng kahit na sino. Kung mayroong ganoon, mananahimik na lang ako. Pero, wala naman talaga. At saka nakakaawa naman si Kristine na all-out ang suporta, tapos mayroon pang mga lumalabas na intriga.



"Ako na ang nagsasabing walang insidenteng nagpa-pack up ng taping ang kahit na sinong artista. Napapa-pack up kami dahil sa hindi maiiwasang kadahilanan, gaya ng sama ng panahon. Yun lang ang kalaban namin," depensa ni LT.



IS WILLIE COURTING HER? May lumabas na balita na nanliligaw raw ang noontime show host na si Willie Revillame kay LT. Ito naman ang isang anggulong halatang ayaw patulan ng aktres.



"Hayaan na lang natin ang ibang taong gumawa-gawa ng isyu. Sa estado ng career ko, hindi ko na yata kailangan ang mga ganyan. Walang katotohanan 'yan. Kung may balak man o anuman 'yan, ayokong isipin at ayokong patulan. Hindi maganda. Trabaho lang ang inaatupag ko at ang mga anak ko," sabi ng aktres.



Nakiusap na talaga ang aktres sa amin na huwag nang pag-usapan pa ang mga ganoong bagay.



Posible raw kasing ligawan pa si LT dahil biyuda na ito. Karapatan naman daw nitong lumigaya.



"Pero, masaya ako at kuntento na sa mga alaala ni Daboy [Rudy Fernandez, her late husband] dahil nandiyan naman ang mga anak namin na lumaking matitino at matatalino. Tama na sa akin yung malulusog sila. Balang-araw, mapanatag ako sa magandang future nila.



"Hindi ko naman isinasara ang pinto sa mga posibilidad. Dahil ayoko yung parang nagsasalita nang patapos. Pero sa totoo lang, tama sa akin ang ganitong buhay. Hinangad ko na magkaroon ng magandang pamilya at ipinaglaban ko rin naman yun. Nagkataon lang na dumaan kami sa pagsubok at masaya na ako dahil ang asawa ko naman, alam kong he's with the Lord na."
posted by Chuchi at 10:47 PM |



0 Comments: