Sunday, March 22, 2009
SANGA-SANGANDILA Ni Veronica R. Samio Updated March 22, 2009 12:00 AM


Maraming mga ina na masugid na tagasubaybay ng Dapat Ka Bang Mahalin? ng GMA 7 ang matutuwa dahil pinakinggan ng network ang kanilang kahilingan na mabawasan ang ipinapalagay nilang napakaraming halikan nina Kris Bernal at Aljur Abrenica.

Natakot sila na baka makaapekto ang mga nasabing kissing scenes sa mga anak nila na madalas ay kasama nilang nanonood ng serye.

Hindi naman binigo ng Siete ang kanilang mga requests, sa mga susunod na episode ng Dapat Ka Bang Mahalin? ay makakapansin sila ng malaking kabawasan ng mga kissing scenes. Ang susunod naman daw nilang babantayan ay ang mga eksena nina Ara Mina at Aljur.

* * *

Akalain n’yo, akala ng staff ng All About Eve na pumunta ng Singapore para mag-taping ay nawala na si Mark Anthony Fernandez? Schedule na kasi nila ni Chariz Solomon na bumalik ng Maynila. May flight sila ng 2:45 p.m. pero past 12 n.n. na ay hindi pa siya mahanap.

‘Yun pala, pumunta ito sa location ng shooting para magpaalam pero maling location ang napuntahan niya. Sa Lucky Plaza siya napunta eh nasa Chinatown ang mga kasamahan niya. ’Di naman siya maka-roaming.

* * *

After the success of H.O.P.E.Vol. 1, inilabas ng Star Records ang H.O.P.E. (Healing of Pain and Enlightenment) Volume 2 Wings of the Soul na prodyus ng isang cancer patient na si Pinky Tobiano at line produced ng Star Records.

Kung ang Vol. 1 ay isang tribute para sa mga maysakit ng cancer, ang Vol. 2 ay para sa mga nag-aalaga sa mga may sakit ng cancer. Tulad ni Lorna Tolentino na ang asawang si Rudy Fernandez ay namatay sa sakit na cancer.

Katulad ng first volume, ang kikitain ng pangalawang album ay mapupunta sa The Pinky Cares Foundation at sa Rudy Fernandez Cancer Foundation, Inc.

Ang mga artist na kumanta sa Wings of the Soul ay mga malalapit na kaibigan ng mag-asawang Rudy at Lorna. Sila rin yung nasa tabi ni Daboy nung mga huling araw nito sa mundo.

Mayroon ding kontribusyong awitin sa album si LT, ang Far From Home, bukod pa sa narration ng prologue at epilogue na sinulat ni Bibeth Orteza.

“Binantayan ako sa recording ko nina Pip at Jungee Marcelo. May mga ginawa silang cure pero, sa final recording, inisang pasada ko lang ang kanta ko,” may pagmamalaking nasabi ni Lorna na umaming hindi pa siya healed pero sa tulong ng kanyang mga anak, pamilya at ni Rudy at ng mga kaibigan nila, patungo na siya rito.

“Nung una natatakot pa akong dalawin ni Rudy pero ngayon, gusto kong magpapakita siya sa akin araw-araw. Gustung-gusto ko nang makita siya, miss ko na siya,” pagtatapat nito.

Bagaman at marami silang kumanta sa album, masyadong abala ang marami dito para mag-promote ng album na kamakailan lamang inilabas pero naka-gold na agad. Pero walang reklamo si LT kung sa kanya matoka ang pagpo-promote ng album. Sa press launch ng Wings of the Soul, kinanta ni Pip ang Awit ni Daboy na napakaganda ng pagkakagawa niya at iniyakan ko.
posted by Chuchi at 4:50 AM |



0 Comments: