Wednesday, February 11, 2009

Si Lorna Tolentino—along with Gina Alajar, Tirso Cruz III, and Robert Arevalo—ang nag-host ng 26th Luna Awards ng Film Academy of the Philippines (FAP). Ginanap ang awards night last Sunday, February 8, sa Topaz Room ng Mandarin Oriental Suites sa Gateway Mall, Araneta Center, Quezon City.

Nakausap si Lorna pagkatapos ng FAP event. Kapansin-pansin na kahit ngumingiti siya ay may lungkot pa rin ang kanyang mga mata.

Naitanong sa kanya kung kailan siya magsisimulang mag-taping ng unang teleserye niyang gagawin sa ABS-CBN pagkatapos niyang lumipat from GMA-7 late last year.

“Siguro next month, kasi February na ngayon,” sagot ni Lorna. “Medyo na-delay nga dahil hindi pa makabuo ng cast. Noong una kasi, sina Christopher de Leon at Gabby Concepcion daw ang makakasama ko. Pero kakatapos lang daw ni Boyet sa Kahit Isang Saglit. Kaya ngayon daw, si John Estrada na ang makakasama namin ni Gabby. Sa iba yatang project inilagay si Boyet.”

Totoo bang kasama rin sa cast si Angelica Panganiban, na nanalong Best Supporting Actress sa Luna Awards para sa A Love Story?

“Hindi ko pa alam ang iba pang members ng cast, sina Gabby at John pa lang ang alam ko,” sabi ni Lorna. “Pero maganda kung makakasama ko nga siya, mahusay na aktres si Angelica. Hayan nga at siya ang nanalong Best Supporting Actress. Wala pa rin yata kaming title at hindi ko pa puwedeng sabihin kung ano ang story ng teleserye namin. I think inaayos pa nilang mabuti ang script.”

Ayon sa manager ni Lorna na si Lolit Solis nang makausap ng entertainment press, hindi pa raw handa ang aktres na magtrabaho kaya hindi pa nito masabi kung kailan siya magsisimulang mag-taping. Tinanggihan din daw ni Lorna na mag-host ng isang morning show ng ABS-CBN, kung saan makakasama niya sana sina Ruffa Gutierrez at Ai-Ai delas Alas.

“Hindi naman [sa hindi pa handa], ani Lorna. “Kaya lang that time na magkausap kami ni Nanay Lolit, wala pa ngang nabubuong cast. Ngayon pa lang nila sinabi na si John na nga ang isa ko pang makakasama.

“Yung talk show naman, noon ko pa sinabi na ayoko na ng showbiz talk show. At saka gusto ko, isa-isa muna. Yung teleserye na muna ang uunahin ko kasi may movie rin akong gagawin sa Star Cinema. Siguro, kung hindi March, sa April ako magsisimulang magtrabaho. Marami pa rin naman akong inaasikaso ngayon.”

Natapos na ba ang ipinagagawa niyang mausoleum ng yumao niyang asawa na si Rudy Fernandez sa Heritage Park?

“Hindi pa. Siguro ilang buwan pa, tapos na ‘yon,” sabi ni Lorna. “Yun kasing granite stones na gagamitin, in-order pa nila. May ilan din akong ipinabago habang hinihintay yung granite stones kaya hindi pa natatapos.”

Kumusta naman ang itinatayo nilang Rudy Fernandez Cancer Foundation?

“Naayos na namin ang mga papers na kailangan para sa Security Exchange Commission (SEC), naayos na rin namin ang bank accounts nito at maisa-submit na rin namin ito sa kanila.”

Siya ba mismo ang mamamahala sa foundation?

“Yes, pero marami kami rito. Kasama ko rin sina Senator Jinggoy [Estrada] at Senator Bong [Revilla], at iba pang kasama na alam ang pagpapatakbo ng isang foundation. Kapag naayos ito, magsisimula na kaming tumanggap ng mga taong ilalapit sa amin para matulungan ng foundation.”

Nabanggit kay Lorna ang kalagayan ng kaibigan nilang si Phillip Salvador, na nasangkot sa magkasunod na mga isyu—ang pananakit niya sa bus driver at ang estafa case nito sa businesswoman na si Cristina Decena.

“Nakakalungkot nga ang nangyayari. Sana nga ay maayos na ‘yon. Kung anuman ang mangyayari, tiyak namang hindi siya pababayaan ng mga kaibigan namin,” pahayag ni Lorna.

posted by Chuchi at 4:25 AM |



1 Comments:

At 8:41 AM, Blogger Faryna said........
well,i hope Ms LT will have more strenght to begin new chapter in your "acting world". Luv u so much... your fans Rynn from Malaysia.