Ruel Mendoza
Friday, September 19, 2008
04:08 PM
Matagal-tagal na ring usapan ang tungkol sa pagbabalik ng award-winning actress na si Lorna Tolentino sa bakuran ng ABS-CBN pagkatapos sumakabilang-buhay ng asawa niyang si Rudy Fernandez. Matatandaang bago naging Kapuso si Lorna ay nakagawa siya ng ilang soap opera sa Kapamilya network.
Kahapon, September 18, ay nakasalubong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si LT at ang kanyang manager na si Lolit Solis na papasok sa elevator ng GMA Network Center. Sinamahan ni Manay Lolit ang aktres upang pormal nang magpaalam sa mga big boss ng GMA-7 dahil tinanggap na nila ang isang soap opera sa ABS-CBN, kung saan makakasama ni Lorna si Gabby Concepcion.
"Ayaw ni LT na basta na lang siya gagawa sa kabila na hindi nagpapaalam," sabi ni Manay Lolit sa PEP. "Kaya nandito siya para siya mismo ang personal na magpasalamat at magpaalam. Ayaw naming mag-burn ng bridges, di ba?"
Dagdag pa ni Manay Lolit, sinabi naman daw ni LT kung matapos na ang gagawin niyang show sa ABS-CBN ay maging welcome pa sana siya sa bakuran ng GMA-7. Wala naman daw problema ‘yon dahil palagi naman daw welcome si LT na bumalik at gumawa ng show sa Kapuso network.
Ayon kay Manay Lolit, kay Lorna sana nakalaan ang role ng yumaong si Nida Blanca sa TV remake ng pelikulang Saan Darating Ang Umaga (1983). Makakasama niya sana rito si Yasmien Kurdi na siya namang gaganap sa role ni Maricel Soriano.
Nag-decline daw si LT dahil nauna na raw niyang tinanguan ang offer ng Dos. Ang balita ng PEP, si Amy Austria na ang papalit sa tinanggihang role ni Lorna.
Sabi ni Manay Lolit, "Ayaw raw kasi ni LT na mag-telefantasya at gusto raw niyang umiyak at mag-drama. E, noong i-offer ang Saan Darating ang Umaga, naka-oo na siya doon sa soap drama sa Dos with Gabby.
"May magagawa pa ba ako? E, di sige, pagbigay na lang natin si LT at feel niyang umiyak nang umiyak!" sabay tawa ni Manay Lolit, na dating manager ni Gabby.
Marahil ay hindi pa rin kayang gampanan ni Lorna ang ganung kabigat na role, lalo pa't tungkol sa pamilyang namatayan ng ama ang kuwento ng Saan Darating ang Umaga.
Wala pang titulo ang gagawing soap nina Lorna at Gabby sa ABS-CBN na magsisilbi ring reunion nila. Nakagawa na sila ng ilang pelikula noon, ‘tulad ng Kislap Sa Dilim, Kung Ako'y Iiwan Mo, Pinulot Ka Lang Sa Lupa, at ang award-winning na Narito Ang Puso Ko.
Ang huling programa ni Lorna sa GMA-7 ay ang Startalk, pero bago rito ay napanood siya sa telefantasyang Zaido.